Sinigurado ni Sen. Grace Poe sa kaniyang mga kasamahan na makikinabang ang pamahalaan sa 50-year franchise na ibibigay nito sa San Miguel Aerocity Inc.
Ito’y matapos aprubahan ng Senado sa ikalawang pagbasa ang panukala na magbibigay ng prangkisa sa San Miguel Aerocity Inc., upang gumawa at mag-operate sa New Manila International Airport at isa pang paliparam sa Bulacan.
Ayon sa senador, na siya ring sponsor ng House Bill No. 7507, hindi umano matutumbasan ang kikitain ng paliparan sa oras na maitayo na ito.
Inaasahan ng nasabing developer na kikita ang New Manila International Airport ng halos P50-billion sa loob ng 10 taon.
Sa oeas na maging ganap na batas ang franchise bill, sisimulan na ang konstruksyon ng P735-billion airport project sa susunod na taon .
Aabot naman ng 40,000 trabaho ang magbubukas kapag sinimulan na ang pagtatayo ng nasabing paliparan.
“One million jobs are estimated to benefit from this. Not only the immediate employees, but the downstream industries there,” wika ni Poe.
Kumpyansa rin si Poe na titiyakin ng SMC na magiging ligtas ang relokasyon ng mga residente na mawawalan ng tahanan dahil sa nasabing proyekto.
Namigay aniya ang SMC ng tig-P250,000 cash sa 364 home owners at karagdagang cash aid na P3,000 hanggang P20,000.
Ang iba naman ay nailipat na sa ibang bahagi ng Bulacan, Rizal, Nueva Ecija at Antipolo.