Nagpahayag ng suporta sa Pilipinas ang gobyerno ng Germany at France kasunod ng panibagong insidente ng harassment o panggigipit ng Chinese Coast Guard (CCG) sa mga barko ng Pilipinas sa mismong nasasakupang karagatan ng bansa.
Sinabi ni German Ambassador to the Philippines Anke Reiffenstuel na ang agresibong aksiyon partikular na ang ginawang mapanganib na maniobra ng mga Chinese vessel laban sa Philippine Coast Guard ay walang lugar sa pinagtatalunang karagatan.
Nanawagan din ito ng paggalang sa rules-based maritime order alinsunod sa 2016 Arbitral Ruling na tumutukoy sa soberanya ng Pilipinas sa may West Philippine Sea.
Sinigundahan din ng German envoy ang sentimiyento ni US Ambassador to the Philippines Marykay Carlson na nauna ng nagpahayag ng pagkabahala sa iresponsableng aksiyon ng China sa naturang karagatan.
Samantala, umapela din ang France para sa pagkakaroon ng dayalogo sa pagitan ng Pilipinas at China para resolbahin ang posibleng sigalot ng dalawang bansa.
Ayon sa French Embassy sa Maynila na nababahala ito sa development kamakailan sa may WPS at nanawagan din ng pagrespeto para sa international law.
Iginiit pa ng Embahada na mariing tinututulan nito ang anumang paggamit ng pwersa o pagbabanta laban sa iba at muling binigyang diin ang pagtalima sa iginawad na Arbitration award sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea noong 2016.
Una na ring naghayag ng pagkabahala ang kaalyadong bansa ng Pilipinas na Japan at Amerika matapos ang insidente noong Hunyo 30 kung saan sinundan, hinarass at hinarang ng Chinese Coast Guard ang barko ng Pilipinas na nasa resupply mission sa may Ayungin Shoal.