-- Advertisements --

Handang magsagawa ng imbestigasyon ang Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) hinggil sa umano’y kumakalat sa social media na sex video na kinasasangkutan ng panganay na anak ni Vice President Leni Robredo na si Aika Robredo.

Ngunit paglilinaw ni PNP-ACG spokesperson Lt. Michelle Sabino, bago nila ito maipagpatuloy ay kinakailangan munang pormal na humingi ng tulong ang pamilya Robredo ukol dito, lalo na’t pagsusumikapan nito na i-trace ang main propagator ng nasabing video.

Ayon pa kay Sabino, sa ngayon ay hinihintay lamang ng kanilang kagawaran na pormal na maghain ng request ang kampo ni Robredo upang masimulan na nila ang gagawing kaukulang imbestigasyon hinggil sa usapin na ito upang maisiwalat ang pagkakakilanlan ng mga personalidad na nasasangkot dito.

Samantala, ipinahayag naman ni Office of the Vice President spokesperson Atty. Barry Gutierrez na iniulat na nila sa mga awtoridad ang naturang video.

Tinuligsa rin niya ang pagkalat ng mga link ng umano’y scandal ng anak ng nasabing presidential aspirant sa kabila ng pag-unlad ng kanilang mga pangangampanya.

Sa isang statement naman ay sinabi ni Robredo na ang tanging ang katotohanan lamang aniya ang “antidote” sa fake news ngunit hindi naman niya binanggit kung ano ang fake news na kanyang tinutukoy.

Magugunita na hindi lamang ito ang kauna-unahang pagkakataon na tumulong ang PNP-ACG sa cyber issues ng isang tumatakbong kandidato para halalan ngayong taon nang tinulungan nitong kilalanin ang source ng mga alegasyon ng assissination plot laban kay presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.