-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nasa 30 ektarya ng kakahuyan at damuhan ang naabo matapos na sumiklab ang isang forest fire sa bulubunduking bahagi ng Brgy. Mananao, Rapu-Rapu, Albay.

Una rito, itinawag ng isang concerned citizen sa pulisya ang insidente kaya’t inatasan ang team ng Rapu-Rapu PNP at Philippine Coast Guard na magtungo sa lugar.

Sa impormasyon mula kay PCapt. Wenifredo Padilla, hepe ng Rapu-Rapu PNP, nabatid na dakong alas-9:00 kahapon nang umaga nang sumiklab ang sunog.

Umabot pa ito ng 12 oras hanggang maideklarang fireout dakong alas-9:00 kagabi.

Sa salaysay ni Brgy. Kagawad Lilibeth Aringo sa pulisya, nag-umpisa umano ang sunog sa isang sementeryo sa Purok 3 ng barangay hanggang sa kumalat at abutin na rin ang Purok 4 Sitio Acal.

Nagpapatuloy naman sa ngayon ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) upang matukoy ang totoong pinag-ugatan ng sunog.

Inaalam na rin kung magkano ang aabuting pinsala ng sunog sa naturang isla.