Bawal na ring makapasok ng Pilipinas ang mga foreign travelers mula Austria kasunod nang pagkakatuklas sa bagong South African COVID-19 variant, ayon sa Malacanang.
Sisimulan itong ipatupad sa Enero 10, 2021 nang alas-12:01 ng madaling araw, oras sa Pilipinas, at tatagal naman hanggang Enero 15 ng taong kasalukuyan.
Sinabi ng Malacanang na papayagan pang makapasok ng Pilipinas ang mga foreign passengers na mula sa, o galing sa Austria sa nakalipas na 14 araw bago pa man makarating ng Manila sa Enero 10.
Pero obligado ang mga ito na sumailalim muna sa absolute facility-based 14-day quarantine period, kahit pa nakakuha sila ng negative RT-PCR test result.
Ang mga Pilipino naman na magmumula, o nakapunta ng Austria sa loob ng 14 araw bago makarating ng Manila, kabilang na ang mga paparating pa lang sa Enero 10 ng alas-12:01 ng madaling araw, ay papayagan pang makapasok ng Pilipinas.
Pero, gaya ng sa mga foreign travelers, obligado rin ang mga Pilipino na ito na sumailalim sa absolute faculty-based 14-day quarantine period, kahit pa nakakuha ng negative RT-PCR test result.
Ang mga Pilipino at foreigners na dumaan lang ng Austria ay sakop din ng panuntunan na nakasaad sa ilalim ng Memorandum mula sa Executive Secretary na may petsang Disyembre 31, 2020.
Inatasan na rin ang Task Group on Returning Overseas Filipino ng National Task Force Against COVID-19 at lahat ng mga local government units (LGUs) na paghandaan ang imlpementasyon nang mas strikto na quarantine at isolation sa mga health facilities para sa mga darating na biyahero.
Nauna nang inanunsyo ng Malacanang na simula alas-12:01 ng madaling araw ngayong Enero 8 hanggang Enero 15, ang mga foreign travelers mula o nakappunta sa Portugal, India, Finland, Norway, Jordan, at Brazil sa nakalipas na 14 araw ay hindi papayagan munang makapasok ng Pilipinas.
Bukod pa ito sa travel restrictions na nauna nang ipinatupad sa 21 iba pang mga bansa.