Tumaas ng 30.1 % ang foreign investment pledges para sa Pilipinas noong huling quarter ng 2022 ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Ito ay katumbas ng P173.61 billion mula sa naitalang P133.47 billion sa parehong period noong nakalipas na taon.
Ang pinagsamang commitments naman mula sa mga Filipino nationals ay umaabot sa P304.55 billion at ang kabuang investment approvals sa huling quarter noong 2022 ay pumalo sa P478.16 billion na tumaas ng 17% mula sa P408.54 billion na naitala noong nakalipas na taon.
Ang mga foreign investment pledges ay naitala mula sa 6 na Philippine investment promotion agencies (IPAs) kabilang ang Authority of the Freeport Area of Bataan (AFAB), Board of Investments (BOI), BOI-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BOI-BARMM), Clark Development Corp (CDC), Philippine Economic Zone Authority (Peza), at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).
Ang bulto ng foreign investment pledges noong ika-4 na quarter ng 2022 ay mula sa Singapore na nangako ng P111.47 billion (64.2 percent), sinundan ng Japan na nag-commit ng P37.41billion (21.5 percent) at United Kingdom na nangako naman ng P10.22 billion (5.9 percent).
Para sa paglalaanan ng naturang foreign investment pledges, nangunguna ang information and communication sector, sinundan ng real estate activities at manufacturing.
Tinatayang lilikha naman ng nasa 37,766 na trabaho ang pinagsamang investment commitments mula sa foreign at Filipino nationals.