-- Advertisements --

Naka-standby na ang mga food pack, evacuation center, rescue equipment at emergency response teams sa buong National Capital Region bilang paghahanda sa inaasahang epekto ng habagat na pinalalakas ng Bagyong Inday.

Ayon kay Metro Manila Council President at San Juan City Mayor Francis Zamora, inatasan ang lahat ng lokal na pamahalaan na maagang ipuwesto ang mga kinakailangang kagamitan, tiyaking gumagana ang mga pumping station, at ihanda ang mga evacuation center, lalo na sa mga lugar na madalas bahain.

Hinimok din niya ang mga residente sa flood-prone areas na lumikas nang mas maaga at huwag nang hintaying tumaas ang tubig upang maiwasan ang panganib.

Samantala, ayon sa state weather bureau, inaasahang mararamdaman ang pinakamalakas na epekto ng pinalakas na habagat bukas, Biyernes at Sabado.

Posible ring mag-anunsyo ang mga lokal na pamahalaan ng suspensyon ng klase bago ang inaasahang paglala ng panahon.