Narekober na ang black box o ang flight data recorder ng bumagsak na C130 transport plane kahapon sa Barangay Bangkal, Patikul,Sulu.
Ito ang kinumpirma ni Western Mindanao Command (Wesmincom) Commander Lt.Gen. Corleto Vinluan.
Ayon kay Vinluan malaking bagay ang pagrekober sa black box na gagamitin sa ongoing investigation.
Kaninang umaga dumating na sa Sulu ang grupo ng mga investigators mula sa PAF Mobility Air Command.
Ayon naman kay AFP Spokesperson MGen. Edgard Arevalo hawak na ng PAF ang black box at posible ngayong araw o bukas ililipad ito patungo dito sa Maynila.
Sa kabilang dako, sinabi ni Arevalo na isang malaking hamon para sa kanila ang pagkilala sa iba pang nasawi dahil sunog ang katawan ng mga ito.
Ayon kay Arevalo, kakailanganin nila ang tulong ng kanilang mga forensic experts sa pagtukoy sa identity ng mga nasawi bagamat batid na nila kung sinu sino ang mga pasahero na nakasakay sa naturang C130.
Dahil dito gagamitin na ng AFP ang dental records ng mga sundalong nasawi para malaman ang pagkakakilanlan ng ilan sa mga nasunog ang katawan.
Kumikilos na rin sa ngayon ang mga forensic experts ng AFP.
Sa ngayon nasa Zamboanga City na ang 47 bangkay ng mga sundalo na nasawi sa pagbagsak ng C130.
Siniguro naman ni Arevalo bihasa o highly competent ang kanilang mga piloto at nasa maayos na kondisyon ang C130.
Sa katunayan mayroon pa itong natitirang 11,000 flying hours bago sumalang sa panibagong maintenance check-up.
Ang bumagsak na C130 aircraft ay refurbished aircraft na binili ng Pilipinas sa Amerika sa pamamagitan ng US military assistance grant.
SAMANTALA, walang nakikitang foul play ang AFP o sinadyang pabagsakin ang C130 cargo plane.
Ayon kay Arevalo sakto lang ang bilis ng aircraft sa paglanding nito subalit hindi nila batid kung bakit na miss nito ang runway.
Sinabi ni Arevalo na kasama ang runway sa susuriin o iimbestigahan gayundin ang klima, kagamitan at kaalaman ng mga piloto.
Titingnan din aniya ng mga imbestigador ang blackbox o flight data recorder gayundin ang mga espekulasyon na overloading.