Magtatayo na ang Pilipinas ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa China sa susunod na taon.
Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, ang naturang opisina ay itatayo sa Beijing, Shanghai at Shenzen sa China.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na magkakaroon ng POLO office ang Pilipinas sa China batay na rin sa rekomendasyon ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Kasunod ito ng bilateral agreement ng Pilipinas at China para sa deployment ng 2,000 Pinoy English teachers sa naturang bansa.
Sa ngayon ani Bello, nasa 300,000 ang bilang ng mga manggagawang Pinoy sa China.
Nagtatrabaho ang mga ito bilang private tutors, musician at skilled workers.
Maliban sa China, magkakaroon din ng POLO office sa Czechoslovakia.
Samantala, inanunsiyo rin ni Bello na mayroon nang bagong POLO office sa Osaka sa Japan at Wellington, New Zealand.