-- Advertisements --

Nakakaranas ng power outage ang kabuuang 131,392 consumer ng Manila Electric Cooperative (Meralco) dahil sa epekto ng malawakang pagbaha at mabibigat na pag-ulan sa Metro Manila.

Batay sa situation report na inilabas ng Department of Energy ngayong July 22, malaking porsyento ng mga apektadong konsyumer ay mula sa Metro Manila na umabot sa 78,322.

Sinundan ito ng Cavite na mayroong 23,489 consumer at Bulacan na mayroong 23,203 consumers.

Simula alas-10 ng gabi nitong July 21, 2025, sinimulan na rin ng naturang power company na mag de-energize o pansamantalang putulin ang supply ng kuryente sa mga lugar na matinding naapektuhan ng pagbaha.

Ito ay bilang pagprotekta sa safety o kaligtasan ng mga consumer.

Sa buong Pilipinas naman, umabot na sa 152,647 ang kabuuang bilang ng mga power consumer na apektado.

Sa kabilang banda, dalawang electric cooperative sa Cordillera Administrative Region ang binabantayan ng DOE dahil sa mga partial power interruption.

Apektado rito ang ilang munisipalidad ngunit nakatakda na ang power restoration sa mahigit 1,500 consumer na apektado.

Nananatili namang stable at sapat ang supply ng mga produktong petrolyo sa buong Pilipinas habang ang mga bulk downstream oil at gas facilities ay patuloy naman ang pag-ooperate sa full capacity.