-- Advertisements --

Nakarating na sa Gaza ang kauna-unahang barkong may kargang first aid na kakailanganin ng mga taong naipit sa kaguluhan sa pagitan ng Israel at Hamas.

Ito ay sa gitna ng nagpapatuloy at umiigting pa rin na tensiyon ng magkabilang panig na mahigit limang buwan na ang itinatagal.

Naglayag ang Spanish ship na Open Arms mula sa Cyprus sa Middle East noong Miyerkules, Marso 12, 2024 sa pakikipagtulungan ng World Central Kitchen (WCK) sa United Arab Emirates (UAE) upang maisagawa ang naturang misyon.

Ang nasabing barko ay may kargang 200 toneladang pagkain gaya ng bigas, harina, legumes, canned vegetables at canned proteins at marami pang iba na inilaan para sa mga sibilyang nakakaranas ng matindang taggutom nang dahil sa digmaan.

Samantala, upang matiyak naman ang seguridad sa lugar habang isinasagawa ang pamamahagi ng tulong sa Gaza ay nagdeploy ng dagdag na kasundaluhan ang Israeli defense forces habang sumailalim naman sa komprehensibong inspeksiyon ang nasabing barko.

Kung maaalala, una nang napagdesisyunan ng United States Military na palawigin pa ang paghahatid ng tulong sa Gaza sa pamamagitan ng pagkakasa ng airdrop mission ngunit nauwi ito sa pagkasawi ng limang katao matapos mabagsakan ng mga kahon ng goods habang mahigit 10 ang sugatan matapos mahulogan ng ‘airdrop aids’.