Nakatakdang isulong ng dating Philippine National Police (PNP) chief at ngayon ay Senator-elect Ronald Dela Rosa ang firing squad para sa mga drug convicts.
Ito ay sa sandaling maisabatas muli ang death penalty.
Sa panayam kay Dela Rosa sa Kampo Krame, kaniyang sinabi na nais niya na sa pampublikong lugar gagawin ang firing squad sa layuning mapahiya ang mga sangkot sa pagbebenta ng iligal na droga.
Sa ngayon pag-uusapan pa ng Senado ang pagbuo ng batas kaugnay sa death penalty.
Giit nito na kung siya ang tatanungin, mas gusto niya ang firing squad.
Gusto niya rin daw ang live coverage ng media para mapanood at magsilbing babala sa mga kriminal.
Aminado ang dating PNP chief na batid niya na may mambabatikos sa kanyang panukala lalo na ang Commission on Human Rights (CHR) pero wala siyang pakialam.
Lagi naman aniyang may negatibong sinasabi ang CHR sa kampanya kontra kriminalidad.
Si Dela Rosa ay guest of honor sa isinagawang Forum ng Civil Security Group.