Walang balasahang ipapatupad sa ngayon ang bagong talagang kalihim ng Department of Finance (DOF) na si Sec. Ralph Recto sa kanilang ahensiya.
Kayat mananatili ang lahat ng mga opisyal ng DOF sa kanilang kasalukuyang posisyon.
Sa bisa ng Department Order No. 03-2024 na nilagdaan ni Sec. Recto ngayong araw, tanging pagbabago lamang na ginawa ng kalihim sa ahensiya ay ang pagtatalaga kay USec. Maria Luwalhati Dorotan Tiuseco bilang kaniyang bagong chief of staff.
Bago ang pagtatalaga ni Tiuseco, pinangasiwaan nito ang Information Management Service bilang primay arm ng DOF para sa stakeholder engagement at strategic communications.
Naging responsable din ito sa pamamahala ng Political and Legislative Liaison Group, na nanungkulan bilang liaison ng DOF sa Senado at House of Representatives.
Matatandaan na opisyal na itinurn-over ni dating Finance Secretary at ngayon ay Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Monetary Board Member (MBM) Benjamin Diokno ang liderato ng DOF kay Sec. Recto ngayong araw ng Lunes sa DOF office sa Maynila.