-- Advertisements --
NCRPO COURTESY RESIGNATION AND DRUG TESTING

Iniulat ni outgoing Philippine National Police Chief PGen Rodolfo Azurin Jr. na patapos na ang 5-man advisory group sa pagsisiyasat sa mga courtesy resignation ng mga 3rd level officers ng Pambansang Pulisya.

Ayon sa hepe ng PNP bukas, Abril 20, 2023 ay nakatakda nang isumite ng 5-man advisory group sa National Police Commission ang final draft ng kanilang isinagawang screening sa mga heneral at koronel ng buong hanay ng kapulisyahan.

Aniya, nahagip ng kanilang pagsisiyasat sa mga high ranking police officials ang kabuuang 953 na mga courtesy resignation ng mga ito na kanilang natanggap.

Ang resulta aniya ng kanilang magiging imbestigasyon ay sasailalim naman sa pagsusuri ng NAPOLCOM atsaka ito ie-endorso ng komisyon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa kaniyang approval.

Kung maaalala, una nang inihayag ng 5-man committee na target nitong tapusin ang kanilang screening sa 3rd level officers ng PNP bago ang pagreretiro ni PNP Chief Azurin.

Matatandaan din na noong Enero 4 ng taong ito bumulaga ang panawagan ni DILG Secretary Benjamin Abalos Jr. sa lahat ng matataas na opisyal ng Pambansang Pulisya na magsumite na ng kanilang courtesy resignation bilang bahagi ng layunin nito na linisin ang buong hanay ng kapulisan mula sa impluwensiya at pagkakasangkot nito sa operasyon ng ilegal na droga.