Nahanay ang Philippine women’s football team na Filipinas sa Hong Kong, Tajikistan at Pakistan para sa 2024 Olympic qualifying tournament.
Nasa Group E ang Filipinas matapos ang isinagawang draw ng Asian Football Confederation sa ginanap sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Target ng ranked number 53 na Filipinas na makapaglaro sa Olympics sa unang pagkakataon.
Binubuo ng 26 koponan na hinati sa pitong grupo ang qualifying tournament na gaganapin mula Abril 3 hanggang 11.
Ang mangungunang koponan ay aabanse sa susunod na round na makakaharap ang mga malalakas na koponan sa Asya gaya ng North Korea, Japan, Australia, China at South Korea.
Ang magwawagi sa grupo at ang koponan na nasa ikalawang puwesto ay sasabak sa playoffs para makakuha ng dalawang slots sa Paris Olympics.