Muli na namang nagpaalala ang Bureau of Immigration (BI) sa mga nais mangibang bansa na makipagtransaksiyon lamang sa mga lisensiyadong recruiters para siguruhing protektado ang kanilang karapatan at kapakanan.

Kasunod pa rin ito ng pagkakaaresto sa isang Filipino-Taiwanese national na suspect ng human trafficking syndicate na naaresto ng BI officers sa Clark International Airport (CIA) sa Angeles City, Pampanga.

Sa report na ipinaabot kay Immigration Commissioner Jaime Morente, sinabi ni BI CIA Chief Joseph Quizon na naharang ang babaeng suspek na patungo sanang Taipei.

Narekober umano sa suspek na hindi na pinangalanan dahil sa anti-traficking law ang 22 Philippine passports.

Ang suspek ay nakakolekta na rin daw ng P150,000 sa kanyang mga biktima para sa pagproseso sa kanilang working visas sa Malta na isasagawa naman sa Taiwan.

Sinabi ni BI officers Virgilio Notario Jr. at Maria Rocio Theresa Ayson ng Travel Control and Enforcement Unit ng BI, dalawang Maltese nationals ang katransaksiyon ng suspek na aareglo sa job placement ng mga biktima.

Ang suspek na dati raw Pinay mula sa Pampanga ay hawak na ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa imbestigasyon at paghahain ng mga kaso.