-- Advertisements --

Nagtamo ng hamstring injury sa kaniyang kanang paa ang Filipino-American rookie na si Dylan Harper sa Game 2 ng nagpapatuloy na Western Conference Finals.

Nangyari ang insidente sa kasagsagan ng ikatlong quarter ng laban sa pagitan ng San Antonio Spurs at Oklahoma City Thunder.

Tinangka ni Harper na dumaan sa pagitan nina Ajay Mitchell at ng back-to-back NBA MVP na si Shai Gilgeous-Alexander para sa isang driving layup.

Gayunpaman, sa kaniyang pagbaba ay tuluyan siyang bumagsak at agad ininda ang sakit sa likod ng kaniyang kanang hita.

Sinubukan pa niyang maglakad at humabol pabalik sa kaniyang bench, ngunit agad siyang hinarang ng medical staff ng San Antonio upang itakbo diretso sa locker room para sa agarang medical evaluation.

Bago nito ay nagrehistro pa si Harper ng 12 points, tatlong assists, at dalawang rebounds sa loob lamang ng 25 minuto na kaniyang paglalaro.

Napabilang din siya sa prestihiyosong NBA All-Rookie First Team na inilabas lamang ngayong araw.

Sa Game 1, gumawa si Harper ng double-double performance: 24 points, 11 rebounds, 6 assists, at 7 steals!

Patuloy pa rin ang evaluation sa injury na iniinda ng bagitong guard.