CAUAYAN CITY – Iminungkahi ng Federation of free Farmers’ Cooperative na dagdagan ng National Food Authority (NFA) ang presyo ng pagbili ng palay na ani ng mga magsasaka upang mapataas ang kanilang buffer stock at maiwasan ang pagtaas pa sa presyo ng bigas.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni dating DA Secretary Leonardo Montemayor, Chairman of the board ng Federation of free Farmers’ Cooperative na sa kasalukuyan ay sapat ang supply ng bigas ngunit ang nakikita nilang posibleng problema ay sa darating na lean months mula buwan ng Hulyo hanggang Setyembre.
Mababa ang reserve stock sa national level at NFA.
Mahalagang aniyang makalikom ng buffer stock ang NFA sakaling magkaroon ng mga kalamidad.
Ang sitwasyon ngayon ay halos kapareho noong 2018 na ang buffer stock ay bumaba ng 2 days national rice requirement.
Ang buffer stock naman ngayon ng NFA ay 2 days national consumption.
Aniya ang pag-asa para magkaroon ng reserve stock ay kung ang pribadong sector ay magpapalaki ng kanilang inaangkat na bigas sa ibang bansa.
Ngunit nagmahal ang bigas sa ibang bansa kaya nagdadalawang isip na bumili ng imported rice ang mga pribadong sector.
Sa ngayon ay nararanasan na ang naunang pahayag ng DA na tataas ng P5 to P6 per kilo ng bigas.
Umaasa ang DA na magkakaroon ng magandang ani ang mga magsasaka ngunit hindi maabot ang target ng NFA ng buffer supply na 60 days reserve pagsapit ng buwan ng Hulyo.
Kapag hindi aniya maabot ang buffer supply ay mapipilitan na mag-angat ng bigas sa ibang bansa.
Naniniwala ang dating DA Secretary na dapat na itaas din sana ng NFA ang buying price sa palay ng mga magsasaka upang mapataas ang kanilang buffer stock dahil ang bilihan ngayon ng private trader ay P21 hanggang P24 bawat kilo ng tuyong palay habang ang NFA ay aabot lamang sa P19 kada kilo.