Nakabinbin pa rin sa Food and Drugs Administration (FDA) ang kaso kung saan nabakunahan ng hindi rehistradong COVID-19 vaccines ang mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG).
Sinabi ni FDA director general Eric Domingo na walang sumasagot sa kanla pagdating sa imbestigasyon nila sa usapin na ito.
Wala rin aniya silang makuhang impormasyon maging sa Department of Health (DOH) mismo.
Lumutang ulit kagabi ang issue na ito nang pagpapaturok ng PSG members ng unregistered pa rin na bakuna ng Sinopharm ng China kasunod nang pagtuturok ng naturang brand kay Pangulong Rodrigo Duterte kagabi.
Disyembre noong nakaraang taon nang sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na ilang mga miyembro ng PSG ang nabakunahan ng Sinopharm COVID-19 vaccines.
Kalaunan ay kinumpirma ni PSG commander Brigadier General Jesus Durante III ang impormasyon na isiniwalat ni Pangulong Duterte.
Pebrero lamang ng taong kasalukuyan nang ginawaran ng FDA ng compassionate use permit ang 10,000 doses ng Sinopharm vaccine na gagamitin ng mga PSG members.
Ang compassionate permit na ito ang siyang basehan at ginamit din sa pagbakuna kay Pangulong Duterte kagabi, ayon kay Domingo.