-- Advertisements --

Nakikipag-ugnayan ngayon ang Food and Drug Administration (FDA) sa Bureau of Internal Revenue (BIR) para mapababa ang presyo ng mga gamot para sa mga senior citizens sa pamamagitan ng exemption sa Value Added Tax (VAT) sa ilang mga piling na mga gamot.

Ayon kay Food Drug Administration (FDA) Director General Samuel Zacate ang exemption sa VAT coverage ay nasa ilalim ng isang batas na kilalang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) o ang Republic Act (RA) No. 11534.

Ang RA 11534 ay nagbibigay ng VAT exemption sa ilang mga gamot para sa hypertension, cancer, mental illnesses, tuberculosis, kidney diseases, diabetes, high cholesterol, pati na rin ang mga gamot sa COVID 19 at mga medical device.

Alinsunod sa CREATE law, sinabi ni Zacate na inatasan ang FDA na tukuyin at ipadala ang kanilang listahan ng mga aprubadong gamot para sa VAT exemption sa iba pang implementing agencies tulad ng BIR.

“Basically…we only endorse it to the BIR kasi kami po iyong nagdi-determine kung ano, para saan talaga iyong gamot. So, FDA ang magsasabi, kung papaano iyong mekanismo, kung paano tatanggalin iyong gamot. So, it’s a joint process po of the FDA and the BIR,” pahayag ni Zacate.

Noong nakaraang buwan, inatusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang FDA na ipatupad ang 20 percent discount at VAT exemption para sa mga senior citizens sa ilalim ng RA 9994 o Expanded Senior Citizens Act of 2010.