-- Advertisements --

Naglabas na ng cease and desist order ang Food and Drug Administration (FDA) laban sa Fabunan Antiviral Injections na sinasabing bakuna laban sa pandemic na coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, hanggang ngayon ay hindi nagsu-sumite ng aplikasyon para sa certificate of product registration ang produkto.

Binubuo na raw ng FDA ang reklamo na posibleng isampa laban sa manufacturer ng bakuna, matapos mabatid na ginamit ito sa isang vaccine drive sa Zambales.

Iniimbestigahan na raw ng Department of Health ang nasabing ulat.

Nilinaw naman ng opisyal na may kapangyarihan ang FDA pagdating sa regulasyon ng mga hindi rehistradong gamot at bakuna tulad ng Fabunan Antiviral Injection.

Nauna nang nagbabala ang Health department hinggil sa posibleng sapitin ng mga gagamit ng nasabing bakuna, lalo na’t hindi pa ito rehistrado at pumapasa ng clinical trial.