-- Advertisements --

Nilinaw ng Food and Drug Administration (FDA) na hindi kayang pigilan ng face masks na may exhaust valves o hingahan ang posibilidad ng impeksyon sa COVID-19.

Sa isang panayam sinabi ni FDA director general Eric Domingo na ang nasabing face mask ay hindi naman dinisenyo para sa medical use, kundi para sa industrial setting.

Paliwanag ng opisyal, kabilang ang mga karpintero sa nagamit ng naturang face mask para maiwasang malanghap ang alikabok at iba pang maliliit na particles.

Payo ni Domingo, mas mabuti pang gumamit ang publiko ng cloth masks o yung mga face mask na gawa sa tela dahil kaya raw nitong protektahan ang indibidwal na magsusuot, pati na ang mga tao sa paligid kung ito ay may sakit.

Para naman sa health frontliners, dapat daw ay medical o surgical grade masks lang ang gamitin.

Naiintindihan daw ng FDA chief na kaya maraming nagsusuot ng face mask na may exhaust valve ay para makahinga ng maayos.

Pero binigyang diin nito na hindi kayang harangin ng naturang mask ang virus ng COVID-19.