-- Advertisements --

Nagbabala ang Food and Drug Administration (FDA) sa publiko hinggil sa mga produktong alcohol na may sangkap na mapanganib sa kalusugan.

Kinikilala naman daw ng ahensya ang papel ngayon ng alcohol bilang disinfectant laban sa virus ng COVID-19, pero dapat umanong masiguro na ligtas sa publiko ang nilalaman ng produkto.

“Talaga namang gusto natin (sa) paghuhugas ng kamay ginagamit ang tubig atsaka sabon ng mga 20 to 30 seconds. Kaya lang alam naman natin Usec. Rosette (Vergeire) hindi ganoon kadaling gawin ‘yon as every 10 minutes or 30 minutes na maghuhugas, syempre hipo tayo ng hipo,” ani FDA director general Eric Domingo.

Ayon sa opisyal, dapat tiyaking 60-percent ang ethyl o isoprophyl alcohol content ng mga bibilhing hand sanitizers.

Para naman sa mga liquid alcohol, dapat 70-percent ng parehong mga sangkap ang nakahalo sa alcohol.

“‘Pag within 60-70 percent useful ‘yan, magagamit natin ‘yan pang-hugas ng kamay. Pero kung lower than that, katulad ng mga iniinom na alak, hindi naman umaabot ‘yan ng mga 30-percent, 40-percent, hindi ‘yan nakaka-disinfect. Hindi ‘yan makakalinis ng bacteria, hindi ‘yan makakatanggal ng virus.”

Payo ni Domingo, huwag tangkilikin ang alcohol products kung may sangkap ito na ethyl acetate, na isang uri ng industrial grade ethanol.

“Ginawa itong ethanol na ‘to para sa mga factory, mga makinarya ginagamit. Hindi siya safe para sa katawan ng tao.”

Posible raw kasing magdulot ng skin irritation, pagkabulag at pagkamatay ang maling paggamit sa ipinagbabawal na produktong alcohol.

Napag-alaman ng FDA na naglipana sa Canada ang alcohol products na may delikadong sangkap, pero nilinaw na walang rehistradong produkto nito sa Pilipinas.

Para malaman kung ligtas ba o hindi ang bibilhing alcohol, payo ng FDA chief, suriin kung tama ang label at packaging ng produkto.

“So nakalagay unang-una yung pangalan ng produkto. Product name and function, kung siya ay antiseptic, rubbing alcohol o sanitizing gel.”

Dapat din umanong makita sa lalagyan ang instruction sa paggamit, listahan ng mga sangkap, special precaution o mga paalala; pati na pangalan at address ng kompanyang gumawa.

Sa tala ng FDA, may 1,570 na rehistradong brand ng alcohol sa Pilipinas.