Hiniling ng Food and Drug Administration (FDA) sa Department of Health (DOH) ang agarang suspensyon ng mas mataas na bayarin para sa registration fees at certifications of product registration ng mga produktong may kinalaman sa pangkalusugan.
Ito ay kasunod ng mga reklamong natatanggap ng ahensya mula sa mga pribadong sektor at isang isinasagawang imbestigasyon sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Ayon kay FDA Director General Paolo Teston, kailangang muling pag-aralan ang naturang polisiya upang matiyak na ito ay makatarungan at epektibo.
Matatandaang nilagdaan ang nasabing administrative order noong Disyembre 2024 sa ilalim ng dating FDA chief na si Dr. Samuel Zacate, na biglaang pinalitan ni Teston.
Kung mapipirmahan ang iminungkahing suspensyon magiging epektibo ito pitong araw matapos itong aprubaha at tatagal ng 60 araw maliban kung ito ay agarang babawiin o palawigin.
Una naritong ipinatupad ang malaking dagdag sa bayad para sa license to operate ng mga kumpanyang gumagawa, namamahagi, at nagbebenta ng gamot, pagkain, at kagamitang medikal. Kung saan damay ang pagpapahaba ng bisa ng product registration mula anim hanggang labindalawang taon.
Giit ni Teston, dapat sinusuportahan ng anumang dagdag-singil ang malinaw na pagbuti sa serbisyo at proseso ng FDA.