-- Advertisements --

NAGA CITY – Tinitingnan na faulty wiring ang dahilan ng pagkasunog nang isang bus kahapon, Hunyo 20, 2022 sa kahabaan ng Diversion Rd., sa lungsod ng Naga.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay SFO1 Arwin Yap, Investigator-on-Case ng BFP-Naga, sinabi nito na mismong ang driver ng bus ang nagsabi na mayroong deperensiya ang naturang airconditioned bus kung saan ito ang pinaniniwalaan naging dahilan ng pagkakaroon ng short circuit sa mga wirings.

Matatandaan na plano sanang magtungo ng driver sa San Fernando upang ipaayos ang bus ngunit tumatakbo pa lamang ito sa lungsod ng Naga nang mag spark at lumiyab ang backseat nito.

Kinumpirma din ni Yap na nasa likurang bahagi ng bus nakalagay ang fire extinguisher kung kaya walang nagawa ang bus driver kung hindi ang bumaba at humingi ng tulong upang maapula ang apoy sa loob ng nasabing bus.

Maliban dito, isa pa sa tinitingnang anggulo ng BFP ang matagal nang pagkakatingga ng bus noong kasagsagan ng pandemya dahilan upang magkaroon ng problema sa wiring.

Samantala, aabot naman sa P300,000.00 ang iniwang pinasala ng naturang sunog.

Sa ngayon, plano na umano na mag-usap ng kompanya ng bus at ang nadamay na tindahan dahil sa insidente.