Bagama’t no comment pa si Angel Locsin, bumubuhos ang mas maraming suporta sa nasabing aktres kaugnay sa mga pambabatikos sa nag-trending na pictures nito simula pa kahapon.
Makikita kasi sa iba’t ibang anggulo ng larawan ang malaking nadagdag sa timbang ng 35-year-old actress na kuha sa Mauban, Quezon, para sa taping ng bago niyang docu-reality show.
Nariyan ang mga nagsabi na “body positive vibes” ang hatid ng weight gain pictures ni Angel, gayundin na hindi basehan ng kagandahan ang timbang ng isang tao, at inspirasyon para sa mga plus-sized women ang katulad ni Angel.
“Inside out” din anila ang kagandahan ni Locsin dahil aktibo ito sa pagtulong sa kapwa, pinakabago ay ang paglunsad nito ng donation campaign para makapagtayo ng isolation tents sa iba’t ibang ospital sa Metro Manila at mga karatig-probinsiya.
Siya rin ang nagpasimula sa online auction ng mga pre-loved items ng celebrities para makalikom ng pera sa mass testing ng pamahalaan.
Una rito, may mga nabigla lalo’t dalawang beses daw na hinirang bilang Sexiest Woman in the World ng men’s magazine si Angel at gumanap bilang “Darna.”
Suot ni Locsin ang dark moss green blouse, dark blue pants, black sandals, at may itim na backpack sa kontrobersyal na mga larawan.
Si Angel ay engaged na sa TV/film producer na si Neil Arce pero naapektuhan ang wedding preparations bunsod ng coronavirus pandemic.
Kung maaalala, maging si 2018 Miss Universe Catriona Magnayon Gray ay minsang naging biktima ng body-shaming kung saan inilarawan siyang mataba ng isang Thai wannabe beauty queen.
Para sa pang-apat na Pinay Miss Universe, hindi dapat kinukunsinti ang ganitong ugali sa kapwa.