KORONADAL CITY – Mayroon na umanong problema sa simula pa lamang ang pagsasagawa ng halalan ng mga konsehal para sa Philippine Councilor’s League (PCL).

Ito ang paniniwala ni PCL-South Cotabato president Councilor Wilson Paclibar sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Councilor Paclibar, pinalitan ng national board ng bagong service provider ang matagal na nilang ginagamit sa loob ng hanggang anim na taon.

Wala rin aniyang nangyaring eleksyon dahil may problema rin sa pagsasagawa ng dry run kaugnay sa “integrity of ballot.”

Maliban dito, hindi rin naka-avail ang ilang konsehal ng ilang serbisyo sa venue dahil sa kulang din ang mga upuan at maliit din umano ang SMX Convention Center.

Dagdag ni Paclibar na nalungkot ito sa inasal ng ilang konsehal na hindi nakapagtimpi at nadala sa kanilang galit.