-- Advertisements --

Matapos ang ilang oras na aberya, balik-operasyon na ang mga social media platform ng Meta kabilang ang Facebook, Instagram, at Messenger.

Libu-libong users kasi sa iba’t ibang bahagi ng mundo, kabilang ang Pilipinas, ang nag-ulat ng problema sa pag-access sa kanilang mga account noong Biyernes ng gabi.

Bandang alas-11:40 ng gabi sa Pilipinas, sinabi ni Andy Stone, communications director ng Meta, na unti-unti nang bumabalik sa normal ang kanilang mga serbisyo.

Gayunpaman, aminado siyang maaari pang magtagal bago tuluyang maibalik sa 100 porsiyento ang normal na operasyon ng mga platform.

Bago ito, kinumpirma ng Meta na nakaranas ng technical issues ang kanilang mga serbisyo at agad silang nagsagawa ng pag-aayos.

Sa kasagsagan ng outage, naging trending topic sa X (dating Twitter) ang “Facebook down” at “Instagram down” matapos maraming netizens ang hindi makapag-login o makapag-access sa kanilang mga account.

Ayon sa Downdetector, maraming report ng problema sa parehong mobile app at website ng Facebook.

Nagdulot naman ng halo-halong reaksyon ang aberya sa mga Pilipinong gumagamit ng social media.

May ilan na inakalang na-hack ang kanilang account, habang ang iba naman ay nag-akalang naubusan lamang sila ng internet data.

May mga netizens ding nag-refresh ng kanilang Wi-Fi connection at muling nag-install ng Facebook application sa pag-asang maaayos ang problema.

Hindi rin nagpahuli ang ilan sa pagbibiro online matapos maibalik ang serbisyo.

Sa ngayon, wala pang ibinibigay na detalyadong paliwanag ang Meta kung ano ang naging sanhi ng outage. Gayunpaman, naibalik na ang serbisyo ng Facebook, Instagram, at Messenger sa karamihan ng mga users.