Tila muling mabubuhay ang “lava” fashion ni 2018 Miss Universe Catriona Magnayon Gray sa gitna ng coronavirus pandemic sa bansa.
Sa post kasi ng Kapampangan designer na si Mak Tumang na siyang nasa likod ng “lava” ideas, nagpahiwatig ito na magpo-produce ng lava face mask sa mga susunod na araw.
Kung maaalala, pumatok ang “lava walk” o yaong slow-mo twirl ni Catriona partikular sa pagrampa suot ang kanyang kulay pink na swim suit attire.
Pinag-usapan din ang makinang na kulay pulang gown ng 26-year-old half Australian beauty na tubong Bicol, na malinaw na simbolo ng Bulkang Mayon.
Samantala, hindi rin patitinag sa deadly virus ang prosthetics specialist mula sa Laguna.
Sa kabila kasi ng edad na 50, papanindigan na ni Rene Abelardo ang katuwaan lang noon na character face mask pero ito ay nag-trending sa online world.
Tulad sa kanyang propesyon, huhulma pa rin ito partikular ng mga nakakatakot na karakter gaya ng zombies at monsters, pero puwede rin naman ang preferred design ng kustomer.
At kahit tila parang mga napapanood sa pelikula ang pagkakagawa, tiniyak nito na likha pa rin sa conventional cloth ang kanyang kakaibang mask na tatakip din mula sa ilong hanggang panga ng tao at may tali rin sa tenga.
Una nang nangamba ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) chair na si Liza Dino sa posibilidad na tuluyang pagbagsak ng mga nasa ilalim ng kanilang sektor.
Maituturing aniya kasi na non-essential ang film, television, animation, gaming, live events, weddings, concerts, at clubs.
Katunayan ay nasa P100 billion na ang lugi nila sa unang limang buwan pa lamang ng taong 2020 at lumobo na sa 865,000 empleyado nila ang nawalan ng trabaho.
“We are the first to be canceled and we will be the last to recover because our industry constitutes mass gathering,” saad ng beauty queen/actress turned FDCP chair kasunod ng apela na matulungan din sila.