-- Advertisements --

ILOILO CITY – Muli na namang pinagpasa-pasahan ang expropriation case na isinampa ng MORE Electric and Power Corp laban sa Panay Electric Company (PECO).

Mismong si Iloilo Regional Trial Court (RTC) Branch 35 Presiding Judge Daniel Antonio Gerardo Amular ang nagkumpirma sa muling pag-raffle sa nasabing kaso.

Base sa kopya ng order na nakuha ng Bombo Radyo Iloilo, ang kaso ay inilipat sa sala ni Judge Ma. Theresa Gaspar ng Branch 33 ng Regional Trisl Court.

Nauna nang hiniling ni Amular na gusto nitong ilipat sa ibang RTC ang paghawak ng kaso.

Ayon kay Amular, gusto niyang iwasan ang biases at pamumulitika habang ginagawa ang expropriation hearing.

Kinonsulta nito si Executive Judge Victor Gelvezon na pinaboran naman ang kanyang kahilingan.

Si Gaspar ang pang-apat na judge na hahawak ng kaso kasunod nina Judge Yvette Go ng RTC, Branch 37; Judge Gelveson bilang pairing judge matapos nag leave si Go at si Amular.

Matandaan nag file ang MORE Power ng expropriation case laban sa PECO noong Marso 2019 isang buwan matapos pinirmahan ni Presidente Rodrigo Duterte ang franchise law ng More power o ang (Republic Act 11212) bilang bagong power distributor sa lungsod ng Iloilo.