-- Advertisements --

Pinabulaanan ni Executive Secretary Victor Rodriguez ang napabalitang pagbibitiw niya sa pwesto.

Sinabi ni Rodriguez na hindi niya alam kung saan nanggaling ang impormasyon subalit ang katotohanan ay naroon lamang siya sa kaniyang opisina dahil sa dami ng kaniyang trabaho.

Iginiit nito na hindi siya dapat nagpapaliwanag kung ang mga ulat ay “unverifiable,” pero para maging malinaw ang lahat ay kaniya na itong pinabubulaanan.

Hindi aniya dapat pinagpapaliwanag sinuman sa mga opisyal o miyembro ng gabinete sa isyu na wala namang tamang impormasyon o hindi ma-verify.

Ang dapat aniyang hingan ng paliwanag dito ay kung sino ang naglabas ng “tsismis,” sino ang source nito at kung reliable nga ba ang source.

Sa kabila nito ay binigyang diin ni Rodriguez na sinuman sa kanila sa gabinete sa sandaling tinanggap ang posisyon ay automatic ding tanggap na anumang sandali ay pwede silang tanggalin sa pwesto ng pangulo ng bansa.

Gayunman, hanggang hindi aniya nangyayari iyon, mananatili sila sa pwesto.

Sinabi pa ng kalihim na kung may dahilan man para siya ay magbitiw sa pwesto ay usaping pangkalusugan o usaping pamilya.

Pero ayaw aniya niyang isipin ang mga dahilang ito dahil wala naman siyang ganoong problema.

Iginiit din nito na hindi patas na kaladkarin ang ilang religious group na base sa lumabas na ulat ay silang nagsumbong diumano kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ng panghihingi ng P100 million sa mga lumalapit na gustong magkaroon ng posisyon sa gobyerno.

Ayon pa kay Rodriguez, nakalulula ang nasabing halaga na wala naman aniyang basehan.

Sinabi pa niya na mula pa noong kampanya ay pinupukol na talaga sila ng “fake news” at posible aniyang hanggang ngayon na sila na ang nakaupo ay magpapatuloy pa rin ito.