Mananatili pa rin sa Southern California hospital ng isa pang gabi si dating US President Bill Clinton matapos na makaranas ng urological infection.
Pero ayon sa tagapagsalita nito na si Angel Urena, patuloy namang nakakapagtala ng “excellent progress” ang dating pangulo ng America at inaasahang makakalabas din bukas.
Ang 75-anyos na dating presidente ay isinugod sa University of California Irvine Medical Center noong Martes ng gabi dahil sa fatigue.
Gayunman, dahil sa bumubuti na rin ang kalagayan nito sa ngayon, sinabi ni Urena na nagagawa na ngang manood ni Clinton ng laro sa college football.
Nabatid na matapos maisugod sa intensive care unit ng ospital, sinabi ng mga doktor ni Clinton na siya ay nilagyan ng swero at pinainom na rin ng antibiotics. (Reuters)