Nagkomento na rin si dating Senator Gringo Honasan hinggil sa namumuong tensyon ngayon sa pagitan ng mga kampo ng Marcos at Duterte.
Sa isang statement ay nanawagan ang dating mambabatas sa magkabilang kampo na itigil na ang pagpapatutsadahan sa isa’t-isa.
Bagkus ay sinabi pa ni Honasan na dapat ay kapwa magpahayag ng buong pagpapakumbaba sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating Pangulong Rodrigo Duterte at maglaan aniya ng kahit sandaling panahon upang makapagsagawa ng makabuluhang talakayan tungkol sa mga naglalabasang isyu at alalahanin ng ating bansa sa kasalukuyan at sa hinaharap.
Aniya, ang nangyayaring tensyon kasi sa pagitan ng magkabilang panig ay makaapekto at posibleng magresulta sa pagkakawatak-watak ng lipunan, taumbayan, at hukbong sandatahan na hindi aniya magiging katanggap-tanggap para sa mga Pilipino.
Kung maaalala, ang pahayag na ito ni Honasan ay nag-ugat sa naganap na palitan ng akusasyon ng kasalukuyan at dating pangulo ng bansa kung saan naidawit pa ang pangalan ni Pangulong Marcos Jr. hinggil sa umano’y pagkakasama ng pangalan nito sa drug watch list ng Philippine Drug Enforcement Agency na kalauna’y pinabulaanan naman ng naturang ahensya.