-- Advertisements --

Hiniling ngayon ni dating Sen. Bongbong Marcos Jr. sa Supreme Court (PET) na tumatayong Presidential Electoral Tribunal (PET) na ma-re-examine ang preliminary results ng recount laban kay Vice President Leni Robredo.

Sa inihain ni Marcos na 595 pahinang memorandum noong December 19, 2019, iginiit ng dating senador na nagkaroon ng pagkakamali ang preliminary appreciation committees nang ibasura ang kanyang hirit na hindi isama ang mga balotang counted kay Robredo dahil hindi siya nabigyan ng pagkakataong magprisinta ng kanyang mga ebidensiya bilang suporta sa pilot protest.

Maliban dito, kinuwestiyon din niya ang mga pirma ng Board of Election Inspectors (BEI) na umano’y magkaiba sa pirma ng mga ito sa ibang election documents.

Inakusahan din niya ang preliminary appreciation committee nang pagdadagdag ng rejected ballots sa boto ni Robredo na hindi na-verify ang basis para sa rejection ng ballot/s ng Vote Counting Machine (VCM) at kung nagkaroon ng replacement ng mga balota sa mga the concerned voter sa kasagsagan ng halalan.

Ang tatlong pilot provinces na pinili ni Marcos ay ang Negros Oriental, Camarines Sur at Iloilo.

Hiniling din nito sa high court na ituloy na ng SC ang third cause of action o ang hirit nitong ma-annul ang resulta ng halalan sa tatlong probinsiya sa Mindanao.

Maalalang noong Oktubre 2019, tinapos na ng PET ang manual recount sa tatlong pilot provinces at lumalabas na nakalamang pa ang bise presidente ng 15,000 votes.

Pero imbes na ibasura na agad ng kataas-taasang hukuman ang election protest ay binigyan ng PET ang magkabilang kampo ng tiyansa para mag-comment sa kinalabasan ng resulta.