Nagsumite na si dating Sen. Jinggoy Estrada ng kanyang letter of explanation sa National Bureau of Investigation (NBI) sa Maynila na may kaugnayan sa isinagawa nitong pamamahagi ng mga bangus sa Brgy. Salapan, San Juan noong May 3.
Personal na isinumite ng dating senador ang kanyang paliwanag kay NBI Deputy Director for Investigation Service Vincent de Guzman ang pagliwanag ukol sa alegasyong paglabag sa quarantine protocols habang namimigay ng relief goods.
Kalakip ng sulat ni Estrada sa NBI ang kopya ng quarantine pass at litrato na patunay na mayroong social distancing na umiral habang nagdo-donate ng mga bangus.
Ani Estrada, ang mga bangus ay galing sa kanyang ina na may palaisdaan sa Zambales.
Dahil ayaw daw niyang mabulok ang mga ito, ipinamahagi niya ang mga isda sa mga residente.
Ayon kay Estrada, namahagi umano siya ng mga bangus ay naka facemask siya at nakasuot naman ng personal protective equipment (PPE).
Binigyang-diin nitong hindi niya intensiyon na lumabag sa ano mang batas nang mamahagi ng bangus.