-- Advertisements --

LAOAG CITY – Idineklara ni dating Congressman Rudy Fariñas na posibleng magbago ang kanyang desisyon kung matutuloy ang laban ng kanyang anak na si 1st District Congresswoman Ria Fariñas at anak ni dating senator Bongbong Marcos na si Sandro Marcos.

Ito’y matapos na parehong nagpila ng kandidatura bilang kakongresita ang mga nakababatang Fariñas at Marcos.

Ayon kay dating Rep. Fariñas, may oras pa para magdesisyon ito kung babalik sa pulitika lalo na kung matutuloy na labanan ng mga Marcos ang kanyang anak.

Gayunpaman, ipinaliwanag nito na walang may kagustuhan ng hidwaan at umaasang mapag-uusapan ito kasama ng mga Marcos.

Una rito, inamin ni dating congressman na hindi niya maibibigay ang buong suporta kay dating Sen. Marcos dahil sa pagtutunggali ng kanilang mga anak.

Samantala, sa huling araw ng filing ng certificate of candidacy, may pinatakbo ang kampo ni dating cong. Fariñas sa pagkagobernador gayundin sa pagkabise-gobernador at ito ang mga posibleng ma-substitue kung magpapatuloy ang laban ni Ria at Sandro.

Naghain ng kanyang kandidatura ang kapamilya ng Fariñas na si AL TORAL Tecson at makakalaban nito si incumbent Gov. Matthew Marcos Manotoc.

Kaugnay nito, pinatakbo ng mga Fariñas ang nagsisilbing secretary ni Cong. Ria na si Michael Ramone bilang bise gobernador at makakalaban nito si incumbent VGov. Cecilia Araneta Marcos.