Itinanggi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na pinagbantaan niya ang buhay ni House Deputy Minority leader at ACT-Teachers Rep. France Castro.
Sa counter-affidavit ng dating Pangulo na may petsang Disyembre 11 subalit isinapubliko kahapon lamang Dec. 15, sinabi nito na hindi ito pinagbabantaan ang mambabatas kundi ikwinento lamang umano niya ang kanilang naging pag-uusap ng kaniyang anak na si VP Sara Duterte tungkol sa panukalang confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education.
Subalit isang buwan ang nakalipas noong Nobiyembre 16, sa kabila pa ng naunang inihaing criminal complaint ni Rep. Castro at inisyung subpoena ng QC prosecutors laban sa kaniya, muling binanatan at pingbantaan ni Duterte ang buhay ni Castro.
Subalit sa parehong counter-affidavit ng dating Pangulo, sinabi nitong ang kaniyang naging pahayag sa ikalawang subject episode ay hindi rin maaaring mabigyang-kahulugan bilang isang ‘communicated intent to inflict physical o other harm’ sa persona ng complainant na si Rep. Castro.
Iginiit din nito na wala sa kaniyang mga nasambit na salita ang nagpapahiwatig ng kaniyang personal na determinasyon, kagustuhan o kakayahan.
Binanggit din ni Duterte na isa ding abogado ang 2022 SC case Garma V. People of the Philippines kung saan nanindigan ito na dapat present ang “actus reus” at “mens rea” para ma-sustain ang conviction ng grave threats. Saad pa ng dating Pangulo na ang kanyang mga pahayag ay hindi nagpapakita ng alinman sa dalawa.
Base sa Korte Suprema, ang actus reus ay ang aktwal na pagsasabi o pagbigkas ng mga banta gaya ng kamatayan o serious bodily harm habang ang mens rea naman ay kapag intensyon ng akusado na makaramdam ng takot ang pinatutungkulan nito ng kaniyang mga salita o sinadya ng akusado na seryosohin ang kaniyang mga salita.
Sa huli, hiniling ni Duterte sa korte na ibasura ang reklamong inihain ng mambabatas at ang supplemental affidavit dahil bigo umano itong patunayan ang ibinabatong criminal charges laban sa kaniya.
Matatandaan na dalawang beses na hindi sumipot si Duterte sa preliminary investigation sa reklamong inihain sa kaniya ni Rep. Castro noong Dec 4 at Dec. 15 at tanging ang kaniyang legal counsel ang humarap at naghain ng kaniyang counter-affidavit kahapon.