Nagpahiwatig si dating Pangulong Rodrigo Duterte na ipapaaresto umano niya ang mga nasa likod ng isinusulong na people’s initiative na layong amyendahan ang Saligang Batas ng Pilipinas kapag bumalik ito sa kapangyarihan.
Dagdag pa ng dating Pangulo na kapag bumalik ito ipapaaresto niya lahat ng nanloko sa mamamayang Pilipino dahil ito aniya ay fraud at nilustay ang pera ng bayan.
Sinabi din ni Duterte na Hindi dapat sangkot sa PI ang pagbili ng mga boto o mga lagda ng mamamayang Pilipino.
Ipinunto pa ng dating pangulo na walang masama sa pagbabago ng Konstitusyon subalit sa ngayon ay walang mali sa Saligang batas.
Sakali man aniya na maisulong ang PI, ipapanawagan umano ng dating Pangulo ang independensiya ng ibang rehiyon laban sa naturang movement.
Ginawa ng dating Pangulo ang naturang pahayag sa harap ng kaniyang mga tagasuporta sa prayer rally na isinagawa sa Davao city kasabay ng Bagong Pilipinas kick off rally sa Quirino Grandstand sa Maynila nitong gabi ng linggo.