Kinumpirma ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nasentensiyahan na ng General Court Martial ang dating comptroller ng Philippines Military Academy na si Lt. Col. Hector Maraña dahil umano’y paglustay ng pondo ng mga kadete.
Nasa P15 million na pondo ang umano’y nakulimbat ng opisyal.
Si Maraña ay nasentensiyahan ng military court noong nakaraang buwan ng 10 taon na pagkakabilanggo.
Kagabi pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dismissal order ni Maraña.
Ayon kay AFP chief of staff Gen. Carlito Galvez, kanilang isinumite sa Pangulo ang naging rekomendasyon batay sa naging desisyon ng General Court Martial.
Nabanggit na rin ni chief of staff sa media ang kaso ni Maraña subalit hindi nito pinangalanan.
Inihayag ito ni Galvez, matapos lumabas ang ulat kaugnay sa pagkakasibak sa dalawang opisyal ng AFP Health Service Command at V. Luna Medical Center na sina B/Gen. Edwin Leo Torrelavega at Col. Antonio Punzalan kasama ang 20 iba pa nga mga opisyal at enlisted personnel.
Sa kabilang dako, siniguro naman ni Galvez na gagawin nito ang lahat ng makakaya para matuldukan na ang korupsiyon sa AFP.
Isang buwan ang hiniling ni Galvez sa Pangulo para maayos ang kontrobersiya na kinasangkutan ng ilang opisyal ng AFP Health Service at V Luna Medical Center.
May mga inilatag na rin silang reporma para maiwasan daw na masasangkot ang mga opisyal sa katiwalian.