Pinawalang sala ng Korte Suprema si dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) chairman Sergio Valencia mula sa kaso nitong malversation.
Batay sa desisyon ng Kataas-taasang Hukuman na may petsang June 10, pinayagan ng 1st Division ang hiling ng kampo ni Valencia na hamunin ang mga ebidensya ng prosekusyon sa kaso.
Ito ay sa kabila ng naunang desisyon ng Sandiganbayan, kung saan nakakita ng basehan ang mga mahistrado para panagutin sa kaso ang dating PCSO chairman.
Kung maaalala, nag-ugat ang kaso ni Valencia sa alegasyong mga iregularidad sa paggamit at additional grant ng Confidential and Intelligence Fund ng PCSO.
Nadamay din sa akusasyon sina dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at mga dating opisyal na sina Executive Sec. Eduardo Ermita, PCSO general manager Rosario Uriarte at iba pa.
Nauna ng inabsuwelto ng Supreme Court sina Arroyo at dating PCSO budget and accounts manager Benigno Aguas mula sa kasong plunder.
Noong 2018 naman ng mapawalang sala rin si Uriarte sa parehong kaso.
Ayon sa Korte Suprema, bigo ang Office of the Ombudsman na igiit ang pagkakasangkot ni Valencia sa reklamo ng malversation.
Ito rin ang argumentong ginamit noon ng korte para sa mga kaso nina Arroy at ilan pang napawalang sala.
“It is well to note that the Information subject of the aforementioned cases of Arroyo and Aguas is the very same information under scrutiny in the present case wherein petitioner is their co-accused and where all the incidental matters stemmed and had their origin,” ayon sa korte.