-- Advertisements --

ROXAS CITY – Wala na sa kustodiya ng mga pulis ang dating alkalde ng President Roxas, Capiz, matapos pinalaya habang naka-hospital arrest.

Nagpalabas kasi ng release order ang provincial prosecutor’s office.

Sinubukan pa ng mga pulis ng President Roxas-Philippine National Police na agad maisampa ang kasong alarm and scandal laban kay Don Ramon Locsin, ngunit pagdating sa provincial prosecutor ay nahulog ito sa regular filing dahil sa pag-lapse ng reglementary period sa paghain nito.

Dahil nahulog sa regular filing, binigyan ng 10 araw si Locsin para magbigay ng kanyang sagot sa isinampang kaso laban sa kanya.

Kung maaalala, ginawang firing range ni Locsin ang likurang bahagi ng Resources Services Livelihood (RSL) Center sa Barangay Cabug-Cabug, President Roxas.

Napag-alaman na ang lupang kinatatayuan ng RSL Center ay pagmamay-ari ng pamilya Locsin ngunit pinahintulutan ng anak ni Don Ramon na si former Mayor Raymond Locsin na patayuan ito ng nasabing pasilidad noong alkalde pa ito ng parehong bayan.

Sa ngayon ay nakalabas na sa ospital si Locsin matapos umano’y gumaling na ito sa kanyang karamdaman.