CAGAYAN DE ORO CITY – Natukoy na ng pulisya at nasampahan na ng kasong frustrated murder ang tatlo sa apat na itinuturing na pangunahing responsable sa pagbaril sa mayoralty candidate ng Calamba, Misamis Occidental.
Ito ay mayroong kaugnayan sa malapitang pagbaril ng motorcycle-in-tandem suspects sa kaliwang bahagi ng mukha ni Calamba mayoralty candidate George Garwin Matunog habang pauwi na sana sa kanilang bahay noong Marso 13.
Sinabi ni Police Regional Office-10 spokesperson Lt. Col. Michelle Olaivar sa Bombo Radyo na kabilang sa kinasuhan ng biktima sa tulong na rin ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group ay si dating Calamba Mayor Luisito Villanueva; Sally Luba at Tambusloy Sula-Sula, na parehong at large na mahigit dalawang buwan na ang nakalipas simula ng mangyari ang krimen.
Natuklasan na si Villanueva ay katunggali ni Matunog sa pagtakbo bilang alkalde at nagsilbi ring asawa ni incumbent Calamba Mayor Eze Villanueva.
Naging madali ang pagtukoy ng umano’y mga case respondents at paghain ng asunto ni Matunog dahil na rin sa pagtulong ng kanyang ka-partido sa probinsya.
Sinisikap naman ng Bombo Radyo na marinig din ang panig ng mga respondents sa kaso.