Sinimulan na ng mga otoridad sa Southern California ang kanilang search and rescue operation sa isang lawa roon para sa American actress na si Naya Marie Rivera.

Ayon sa Ventura County Sheriff’s Department, pinaniniwalaan nila na nalunod si Rivera habang nakasakay sa pontoon boat kasama ang apat na taong gulang na anak.

Nabatid na mag-isa na lamang ang paslit sa naturang bangka nang dumating sa Lake Piru ang pulisya bandang hapon sa California o kaninang madaling araw (Manila time).

Misteryoso rin ang naka-park pa ring sasakyan ng mag-ina sa lugar pero walang tao.

“This is considered to be a horrible accident,” saad ng Ventura County Sheriff’s Department officials.

Bago ang insidente, nag-post ang 33-year-old actress ng larawan nila ng anak at nilgagyan ng caption na “just the two of us.”

Sa ngayon, helicopter na may drone ang gamit ng search and rescue dive team.

Ang Lake Piru ay reservoir na matatagpuan sa Los Padres National Forest and Topatopa Mountains.

Si Naya Rivera ay nakilala noon sa hit musical TV series na “Glee” kung saan ginagampanan nito ang papel bilang cheerleader na si Santana.

Lumabas din ito sa “Devious Maids,” at “Step Up: High Water.”

Kung maaalala, naka-bonding din ni Naya ang Pinay singing sensation na si Charice noong maitampok din sa nasabing TV series at gumanap naman bilang si Sunshine Corazon.

Sa ngayon, “Jake Zyrus” na ang pangalan ni Charice.