CAGAYAN DE ORO CITY – Hinatulan ng ‘reclusion perpetua’ o pagkakulong ng habambuhay ang lima na dating police officers dahil sa kinasangkutang kidnapping case sa isang negosyante sa Uptown,Barangay Balulang,Cagayan de Oro City na nangyari noong taong 2016.
Nakitaan kasi ng korte ng malakas na basehan ang kasong pagdukot ng mga akusado sa biktima na si Enrique ‘Eking’ Fernandez III habang pauwi na sana ito sa kanilang bahay mula sa isang pagtitipon na dinaluhan nito sa nabanggit na taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Regional State Prosecutor Merlynny Uy na dahil sa malinaw na kuha ng CCTV camera kung paano dinukot ng mga akusado ang biktima ay nilabasan ito ng ‘guilty verdict’ ng korte sa syudad kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga pinatawan ng life sentence imprisonment na sina former Police Senior Insp. Irenio Ramirez;former SPO2s Alejandro Ubanan;Alaindelon Tacubao at Jojo Lim kasama sina dating PO2 Sangkulan Hussein na bumuo sa binuwag na special unit ng Cagayan de Oro City Police Office.
Pinagbayad rin ng korte ang mga konbiktado ng monetary damages kaugnay sa naranasan ng mga kaanak ng mga biktima.
Magugunitang iginiit ng mga dating pulis na hindi nila pinilit pinasakay ng sasakyan ang biktima dahil nagsasagawa umano sila ng police operation.
Subalit batay sa mga hawak na ebedensiya ng government prosecutors,walang operasyon na inaatas ang PNP sa mismong araw na dinukot ang biktima.