MANILA – Agad kakanselahin ng Food and Drug Administration (FDA) ang emergency use authorization (EUA) ng isang gamot o bakuna na mapapatunayang hindi epektibo laban sa COVID-19.
Pahayag ito ng ahensya matapos makapagtala ng mga kaso ng pagkamatay sa ilang matatanda sa Norway na tinurukan umano ng bakunang gawa ng Pfizer-BioNTech.
“At anytime maaaring bawiin ang EUA, dahil hindi naman talaga ito registration,” ani FDA director general Eric Domingo.
Paliwanag ng opisyal, dadaan muna sa revision o pagbabago ng protocol sa paggamit ang isang bakuna na pinaghihinaalang may hindi magandang adverse effect.
Pero kung madadagdagan pa ang mga ebidensya na hindi ito nagdudulot ng magandang epekto sa mga Pilipino, ay babawiin ng ahensya ang EUA.
“Kapag mayrooon talaga tayong nakitang safety concern sa ibang bansa at dito, the FDA can revoke the EUA anytime.”
Noong nakaraang linggo, ginawaran ng FDA ng emergency use authorization ang bakuna ng Pfizer sa Pilipinas.
Ayon kay Domingo, ikinonsidera na nila ang pagbabago ng protocol kung saan hindi na isasali sa tuturukan ang mga may allergic reaction at matatanda.
Sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez na bakunang gawa ng Pfizer ang posibleng pinaka-unang dumating sa bansa sa susunod na buwan dahil sa COVAX Facility.
Nakausap na raw ng FDA ang mga opisyal ng Pfizer at pinaalalahanan sa kanilang responsibilidad na magpadala ng mga ulat sa Pilipinas.
Sa ilalim kasi ng iginawad na EUA ng ahensya, mandato ng isang vaccine manufacturer na ipaalam ang mga bagong ebidensyang matutuklasan sa isang pinag-aaralan pang bakuna.