-- Advertisements --

NAGA CITY – Nag-iwan ng isang patay habang walo ang sugatan ang nangyaring karambola sa Sitio Amao, Barangay Silangang Malicboy, Pagbilao, Quezon.

Kinilala ang namatay na si Kinley Gregorio Villaflores, 21-anyos, residente ng Barangay Anahaw, Labo sa nasabing lalawigan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na kabilang sa mga nasugatan ang mga nagngangalang Henry Gregorio Villaflores, Gregorio Hernandez Mendoza, Nerissa Villaflores, Maricel Hernandez Mendoza, Mumar Villaflores Sanchez at Rommel Catbunton Vasquez.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na nawalan ng preno ang truck na minamaneho ng suspek na isang Anselmo Joaquin Celestino Jr., 54-anyos na residente ng 126 Estacion St. San Nicolas Gapan, Nueva Ecija, habang binabaybay nito ang pababang bahagi ng national highway ng lalawigan.

Nagresulta ito para masalpok ang kasalubong na dalawang sasakyan.

Dahil dito, nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang mga biktima kabilang na ang suspek.

Kaagad itinakbo sa ospital ang mga ito, ngunit idineklara ring dead on the spot ang estudyanteng si Villaflores.

Sa ngayon, nagpapagaling pa ang mga nasugatang indibidwal habang patuloy naman ang imbestigasyon ng puliisya kaugnay sa insidente.