-- Advertisements --

Nasungkit ng isang mag-aaral mula sa Xavier University sa Cagayan de Oro City ang unang pwesto sa katatapos lamang na March 2026 Electronics Engineers Licensure Examination.

Batay sa opisyal na dokumento na inilabas ng Professional Regulation Commission (PRC), nanguna sa hanay ng mga bagong inhinyero si Carl Vincent Plarisan Malinao matapos makakuha ng rating na 93.80%.

Pumangalawa naman sa kanya si Kenneth John Pesimo Cayaga mula sa Pamantasan ng Cabuyao na nagtala ng 93.70%. Nagtabla naman sa ikatlong pwesto sina Joselito Riego Ramento Jr. ng University of the Philippines (UP) Diliman at Adrian Neville Timado Soquita ng Mapua University – Manila, na parehong nakakuha ng porsyentong 93.50%.

Pasok sa ika-apat na pwesto si Lexther Romel Paloma Kimpo ng Technological University of the Philippines (TUP) – Visayas (93.40%), habang nasa ikalimang pwesto si Emmanuel Caguicla Nieva ng Ateneo de Naga University (93.30%).

Makikita rin sa opisyal na listahan ang malakas na presensya ng mga pamantasan mula sa iba’t ibang probinsya sa bansa. 

Kabilang sa mga nakapasok sa top 10 ay ang mga kinatawan mula sa Mindanao State University (MSU) – Gen. Santos City, Batangas State University – Alangilan, at Cagayan State University – Tuguegarao.

Sa kabilang banda, nanatiling matatag ang passing rate ng mga malalaking unibersidad sa Metro Manila, kung saan nagtala ng tig-tatlong pambato sa top 10 list ang UP Diliman at Mapua University – Manila.

Ang kabuuang resulta ay inaprubahan at isinapubliko ng PRC. 

Pinapurihan naman ng ahensya ang lahat ng mga matagumpay na nakapasa na tatanghalin bilang mga ganap na Electronics Engineers.