CAGAYAN DE ORO CITY – Love triangle ang tinitingnang motibo sa pagbaril-patay sa 18 taong gulang na binata sa Purok 2, Basac Lantapan Bukidnon.

Kinilala ang biktima na si Junrey Anghel, residente sa Sitio Mampalanay, Purok 7 sa naturang Barangay.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Lantapan municipal police station commander Major Noel Cano na inihatid ng biktima ang kanyang kasintahan at nang pauwi na ito ay biglang binaril ng isang lalaki.

Kinumpirma din ni Cano na kanila nang nakilala ang suspek ngunit umiwas na itong banggitin ang pangalan dahil nagpapatuloy parin ang kanilang imbestigasyon.

Ayon sa naturang police official na malaki ang kanilang paniniwala na ang isa pang kasintahan ng nobya ng biktima ang bumaril dito gamit ang kalibre 38 na baril.