BACOLOD CITY – Itinuturing ng kampo ng aktres na si Kate Brios na vindication ang pag-issue ng korte ng warrant of arrest laban sa estranged husband nito, legal counsel at apat na iba pang mga Cabuga.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo, ang warrant of arrest na in-issue ng Municipal Trial Court in Cities (MTCC) Branch 7 noong Abril 22 ang laban kina Atty. Erfe del Castillo, Francis Rey Cabuga, Patchy Cabuga, Joseph Rey Cabuga at Cera Cabuga.

P36,000 naman ang piyansa na inirekomenda ng korte para sa kanilang pansamantalang kalayaan.

Ang kaso ang nag-ugat sa stand-off sa Metro Inn noong November 2018 dahil sa conflict sa pagitan ng estranged couple na nagmamay-ari ng hotel.

Maalalang tinangka ni Francis Cabuga na itake over ang hotel kaya humingi si Catherine Berioso Cabuga ng tulong ng mga pulis.

Matapos ang isang araw, natapos ang standoff matapos matake over ni Kate ang Metro Inn.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Jomax Ortiz, legal counsel ni Kate Brios, vindication ito sa kanilang hanay matapos pinasok nina Cabuga ang hotel.

Sa impormasyon na nakuha ni Ortiz, nakapyansa na ang mga Cabuga at magpapatuloy na ang paglilitis sa kaso.