Umaasa ang Office of the Vice President (OVP) na sesentro sa COVID-19 response ang iuulat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) sa Lunes.
“Klaro naman iyong sinabi ni VP Leni (Robredo) noong isang araw: hindi ito patungkol sa SONA pero patungkol doon sa weekly updates na binibigay ng Presidente,” ani Atty. Barry Gutierrez, vice presidential spokesperson, sa isang interview.
“At ang sinasabi niya maging mas malinaw sana kung ano iyong na-accomplish in the past week, ano iyong targets for the week, at ano iyong balak gawin para maabot iyong mga targets na iyan.”
Ayon kay Gutierrez, mismong pangulo naman ang umamin na malaking problema ang COVID-19 pandemic, at ito dapat ang bigyang prayoridad.
Ilan daw sa inaasahan ng OVP na babanggitin ni Duterte sa kanyang 4th SONA ay ang estado ng mga ipinatupad na responde sa nakalipas na limang buwan na paglaban ng bansa sa pandemya.
Pati na ang mga accomplishments, hindi naabot na target at mga plano pa para tugunan ang epekto ng coronavirus disease sa bansa.
“We have a long way to go. So kailangan maging malinaw sa ating mga kababayan, sa ating mga mamamayan, ano ba ang maaasahan natin sa gobyerno sa darating na mga buwan?”
Sa ngayon hindi pa raw natatanggap ng OVP ang imbitasyon ng Kongreso kay Robredo para dumalo sa SONA.
Pero tiniyak ni Gutierrez na dadalo ang pangalawang pangulo basta’t may kaakibat na safety measures para sa mga pupunta sa ulat bayan ng presidente.